Ang impormasyon kay Melkisedek mula sa Biblia ay limitado sa inilahad na pangyayari sa Genesis 14 kung saan mababasa na nakipaglaban ni Abraham sa ka-alyadong bansa ni haring Kedorlaomer at kaniyang matagumpay na nabawi ang tinangay na pamangkin na si Lot na noo’y nakatira sa Sodoma na (Gen. 14:10-11). Ipinakilala dito si Melkisedek bilang hari ng Salem na nakipagtagpo kay Abraham kasama ang Hari ng Sodoma. Maliban sa pagiging Hari ng Salem, si Melkisedek ay ipinakilala ring saserdote ng Kataas-taasang Dios. Matapos dalhan ni Haring Melkisedek sila Abraham ng tinapay at alak ay ipinagpala niya ito (Gen. 14:17-20). Matapos noo’y ibinigay ni Abraham sa saserdote ang ika-sampung bahagi habang ang malaking bahagi ay isinauli kay Haring Bera ng Sodoma (Gen. 14:21-24). Ayon pa sa salaysay ang dahilan ng di pagtatabi ng anumang bahagi ni Abraham sa mga nasamsam sa laban ay ang kaniyang panata sa Dios na wala siyang personal na kukunin maliban sa parte ng mga sumama sa kaniya sa labanan.
Mula sa salaysay ng Genesis 14, puspos ng Banal na Espiritung ipinahayag ni Haring David sa Awit 110:1-7 na ang tinawag ni YHWH na Adonai ay magiging saserdote magpakailanman sa hanay ng pagka-saserdote ni Melkisedek.
Mula naman sa mga kapahayagang ng Awit 110:1-7, ipinaliwanag ng may-akda ng aklat ng Hebreo sa Kabanata 4 hanggang 7 na ang Adonai na na tinutukoy ni YHWH sa Awit 110 ay si Jesu-Kristo. Ang talatang ito ay ginamit niya bilang isa sa mga patunay na kahit pa hindi Levita si Jesus, siya’y naging Dakilang Punong Saserdoteng magpakailanman (Heb: 5:6; 6:20; 7:1-10) na nahihigitan pa ang pagka-saserdote ng mga Levita sapagkat sila’y walang napapaging-ganap (Heb. 7:11-28).
Subalit hindi naging hadlang ang limitasyong ito sa mga malillikot ang pag-iisip sapagkat nakapaghabi pa rin sila ng sarili nilang kwento. Tulad halibawa ng pilosopong Hudyo na si Philo ng Alexandria (25BC – 50AD) na mahilig mag-alegorya ng Kasulatan. Mababasa rin sa aklat na 2 Enoch, Pistis Sophia, at iba pang mga apocripal na lathalatan ang samutsaring kwento na nagpapayabong sa misteryong kung sino ba talaga si Melkisedek.
Basahin ang mga kwentong nilang sa compilation ni Jack Snyder na pinamagatang “Melchizedec: Everything Ancient You Can Know”, http://jacksonsnyder.com/arc/2009/dss/melchizedek_in_ancient_sources.htm
Dahil sa mga lumalaganap na hidwang katuruan sa mga taong madaling mapapaniwala. At bago pa sila tuluyang mahikayat na na mapabilang kultong Melchizedekians na sinaway nila Hippolytus ng Roma (170-235 AD) at Ephiphanius ng Salamis (310 – 403 AD) noong unang panahon, minabuti natin na ilista ang sampung (10) patotoo mula sa salita ng Dios na nagpapasubali sa kwentong barberong si Jesus ay si Melkisedek.
1. “Melchizedek king of Salem brought out bread and wine. He was priest of God Most High, and blessed Abram… and Abraham gave him a tenth of everything.” (Gen. 14:18-20)
Sa talatang ito ipinakilala si Melkisedek bilang hari ng Salem at saserdote ng Katas-taasang Dios. Siya ang nagpakain at siya rin ang nagpala kay Abraham. At ang ikapu na ibinigay ni Abraham ay mula sa lamang mga nabawing ari-arian ng Sodoma (hindi kasama rito ang sarili niyang mga pag-aari). Sa Genesis 18 kung saan nakita ni Abraham ang Mensahero ni YHWH na nagngangalan ding YHWH, si Abraham ang sumamba (Gen. 18:2) at si Abraham din ang nag-pahanda ng pagkain (Gen. 18:5-8). Pero sa Genesis 14, hindi sinamba ni Abraham si Melkisedek. Maliban pa rito, hindi rin kinilala ni Abraham ang Mensahero ni YHWH na si Melkisedek. Malinaw na hindi ito ang pangalawa pagkakataong nagkita sila Abraham si Melkisedek sapagkat hindi naman talaga si Melkisedek ang Mensahero ni YHWH.
2. “Blessed be Abraham by the God Most High, Creator of heaven and earth. And praise be to God Most High, who delivered your enemies into your hand.” (Gen. 14:19-20)
Sa talatang ito, nananalangin ng pagpapala si Melkisedek sa kinikilala nilang “God Most High” at aniya ang pagpapala o ang mga pag-gawa ay mula sa “God Most High”. Kung ihahambing sa Mensahero ni YHWH na nagngangalang YHWH, si Abraham ang nanalangin o namamanhik-loob na huwag lipulin ang Sodoma (Gen. 18:22-33). Sa kaniyang pamamanhik-loob, si YHWH mismo ang nagsasabing gagawa (o hindi gagawa). Halimbawa sa Gen. 18:14 sabi ni YHWH, “I will return to you…” at sa Gen. 18:19 naman ang sinabi’y, “Shall I hide from Abraham what I am about to do?” Malinaw na hindi si Melkisedek ang Mensahero ni YHWH sapagkat si YHWH mismo ang Panginoong gumagawa samantalang si Melkisedek ay hindi gumagawa. Kahit sa Genesis 12 o sa Genesis 17, Si God ang nagpapala, “I will make you into a great nation, and I will bless you; I will make your name great, and you will be a blessing” (Gen. 12:2) kahit dito pa lamang, meron nang siyang apat (4x) na “I will.”
3. “The LORD [YHWH, Heb.] says to my Lord [Adonai, Heb.]… the LORD has sworn and will not change his mind, ‘You are a priest forever, In the order [taxi, Grk.] of Melchizedek’…” (Psa. 110:1:1-4)
Sa talatang ito, puspos ng Espiritu Santo, inawit ni David na si YHWH ay nangungusap kay Adonai. Dito unang ginawang walang-hanggang saserdote si Adonai at ihinanay sa pagka-saserdote ni Melkisedek. Pero hindi sinabing Adonai si Melkisedek bagkus, ang sinabi ay ang pagka-saserdote ni Adonai ay naayon sa pagka-saserdote ni Melkisedek at ang pagka-saserdote niya hindi nawawalan ng bisa. Ang salitang ginamit sa Griego ay “taxi” na siya ring ginagamit sa salitang Ingles na “taxonomy” na ang ibig sabihin ay “classification”. “Order” ang ginamit na salita kahit ng mga Katoliko sa mga hanay ng kaparian nila tulad ng Dominican Order, Franciscan Order, Augustinian Order, at iba pa. Sa puntong ito mababatid natin na hindi kabilang si Adonai (Panginoon sa Tagalog) sa Levitical Order o kaya ay Aaronic Order kundi sa Melchizedekian Order. Kung sila Aaron, Abihu, Nadab, Eleazar, Eli, Zadok ay saserdote “in the Order of Levi” si Adonai naman talatang ito ay ipinapahayag na serdote sa Order of Melchizedek. Hindi ibig sabihin dito na si Adonai ay si Melkisedek tulad ng hindi rin ibig sabihin na si Aaron, Abihu, Nadab, Eleazer, Eli at Zadok ay si Levi.
4. “Therefore, since we have a great high priest who has ascended into heaven, Jesus the Son of God…” (Heb. 4:14)
Sa talatang ito ipinakilala ng aklat ng Hebreo na si Jesus ay hindi lamang basta “saserdote” kundi “punong saserdote.” Ipinakilala rin dito na si Jesus na hindi lang basta “punong saserdote” kundi “dakilang punong saserdote.” Higit sa lahat, ipinakilala rin dito si Jesus na hindi lang basta “dakilang punong saserdote” kundi “dakilang punong saserdote na umakyat sa langit na anak ng Dios” (Heb. 1:5). Samantalang si Melkisedek, bagamat tinatawag na “saserdote ng Kataas-taasang Dios” ay hindi nilapatan ng ganitong uri ng parangal. Oo nga’t may pagkakatulad silang dalawa tulad ng pagiging saserdote na hindi mula sa Levitical Order pero si Jesus lamang ang higit na dinadakila sa kanilang dalawa umakyat pa sa langit (Heb. 1:3; 4:14; 9:24). Samakatuwid, pareho man sila ng “order” pero si Hesus lamang ang Great High Priest sa order sa kaniwalang dalawa. Si Jesus lamang ang tumubos sa pamamagitan sa pag-aalay ng kaniyang sarili (Heb. 7:27).
5. “Jesus has gone as a forerunner on our behalf, having become a high priest forever after the order of Melchizedek.” (Heb. 6:20)
Sa talatang ito, tinawag ang Panginoong Jesus na isang “forerunner”. Kahit pa mas naunang ipinakilala sa si Melkisedek sa Biblia sa hanay nilang mga hindi nagmula sa mga Levita, ang Panginoong Jesus lamang ang pinakilalang “forerunner”. Ang ibig sabihin nito, siya ang pinaka-unang pumasok sa atin at hindi si Melkisedek. Kahit pa libong-libong taon na siyang ipinakilala, hindi nagawa iyon ni Melkisedek. Ni hindi nga tinawag na Punong Saserdote si Melkisedek. Samakatuwid, dahil ang Panginoong Jesus lamang ang forerunner, hindi siya si Melkisedek.
6. “For this Mechisedek, king of Salem, priest of the most high God, who met Abraham…” (Heb. 7:1)
Sa talatang namang ito ay ipinakilala rin si Melkisedek bilang hari ng Salem. Sa eksenang ito sa Genesis 14, kasa-kasama niya ang Hari ng Sodoma. Marami pang ibang hari ang binanggit sa Genesis 14. Tulad ng hari ng Gomorrah, Admah, Bela, Zeboiim, Ellasar, atbp. Ibig sabihin namamahala siya sa Salem pero hindi siya nakakataas sa ibang mga hari na karatig nilang bansa. Wala siyang kapangyarihang pagharian ibang bansa. Katunayan, ayon sa salaysay ng Genesis 14, natalo ang alyansa ng Sodomang nag-aklas sa haring Kerdolaomer at si Abraham pa nga ang gumupo sa sa kaniya. Kaya, paanong magiging “Theophany” o “Christophany” si Melkisedek kung isa lang siyang ordinaryong hari at isa lang siyang ordinaryong saserdote? Ang ating Panginoon ay naluluklok sa kanan ng Ama (Heb. 1:3,8, 13; 8:1; 10:12; 12:2) at kinikilalang hari ng mga hari (1 Tim. 6:15; Rev. 17:14; Rev. 19:16).
7. “Now consider how great this man was… But this man who does not have his descent from them received tithes from Abraham.” (Heb. 7:4-6)
Sa talatang ito, hindi tinawag na “Son of Man” o kaya “Son of God” si Melkisedek. Tinawag siyang dakila o “great man” hindi dahil sa siya ang anak ng Dios kundi, una sa lahat, sa pag-bibigay ni Abraham ng ikapu ng samsam sa kaniya (Heb. 7:4-6) at, pangalawa, dahil sa pagpapala niya kay Abraham (Heb. 7:7). At bilang tao, sinasabi pa rito na hindi sila magka-ano-ano ni Abraham (Heb. 7:6), samantalang ang Panginoon ay alam ng lahat na anak ni Abraham (Luke 3:34; Mat. 1:1; Heb. 7:14). Kaya hindi maari itong matawag na “Theophany” dahil ang salitang ito pinagsamang theos (God) + phanein (to show) na ang ibig sabihin ay pagpapakita ng Dios sa tao. Totoong nagpakita ang Dios kay Abraham sa Genesis 17 at sa 18 pero hindi sa Genesis 14.
8. “Unlike the other high priests, he does not need to offer sacrifices day after day, first for his own sins, and then for the sins of the people. He sacrificed for their sins once for all when he offered himself.” (Heb. 7:27)
Walang ibang tinutukoy sa talatang ito, maging sa buong kasulatan, na nag-alay ng sarili para sa kasalanan minsan magpakailanman maliban sa Panginoong Jesus lamang. Kahit si Melkisedek sa Genesis 14 na ipinakilalang saserdote ng Kataas-taasang Dios ay hindi natin mababasang nag-alay ng kahit ano, ng sariling buhay pa kaya? Ang mababasa natin ay nag-dala siya ng tinapay at alak (Gen. 14:18). Samantalang para sa atin, ang Panginoong Jesu-Kristo mismo ang tinapay ng buhay. At ang alak sa hapunang bago siya ipinagkanulo ay ipinahayag niyang ang dugo ng Bagong Tipan (Mat. 26:28; Mk 14:24; Lk. 22:20; Jn. 6:53-56; 1 Cor. 11:25; Heb. 9:18-20; 10:29; 13:20).
9. “And what we have said is even more clear if another priest like Melchizedek appears.” (Heb. 7:15)
Sa lahat ng mga talata ito ang pinaka-lantaran dahil dito ay mababasa natin na tinawag na “another priest” at tinawag na “like Melchizedek” ang pinatutungulan sa mga sinundang talata. Ibig sabihin ang Panginoong Jesus ay “another priest” na “like Melchizedek”. Kung si Melkisedek ang Panginoong Jesus bakit pa siya tinawag siyang “another priest”? Kung si Jesus at si Melkisedek ay iisa, bakit pa sinabing katulad siya ni Melkisedek? Malinaw na ito ay paghahalintulad lamang. Talaga namang merong pagkakatulad ang Panginoong Jesus kay Melkisidek dahil sila ay parehong hindi nagmula sa tribo ni Levi ngunit naging sasardote. Maliban pa riyan ang mga titulo ni Melkisedek ay mas nauukoy rin kay Jesus tulad ng pagiging makatuwiran at pagiging hari ng kapayapaan (Heb. 7:2 cf. “Prince of Peace,” Isa. 9:6). Ngunit kung may pagkakahalintulad man, marami pa ring pagkakaiba katulad ng mga nabanggit na natin. Ang talatang ito ay nagpapatunay na ang Panginoong Jesus at si Melkisedek ay hindi iisa.
10. “Without father or mother, without genealogy, without beginning of days or end of life, resembling the Son of God, he remains a priest forever.” (Heb. 7:3)
Sa ika-sampung talatang nagpapatunay na hindi si Melkisedek ang Panginoong Jesus, minabuti nating piliin ang talatang laging nagpapagkamalang patotoo na si Jesus ay Melkisedek. Ito ay dahil sa nili-literal nila ang sinabing “walang tatay o nanay, walang salin-lahi, walang simula at wakas ng buhay” para kay Melkisedec. Subalit kahit sinong nasa matinong kaisipan na uunawa sa sinabi rito alinsunod sa diwa ng Genesis 14, ang ibig sabihin ng Hebreo 7:3 ay walang binanabanggit na tatay o nanay, walang salin-lahi, walang simula at wakas ang buhay ni Melkisedek sa salaysay ng buong Genesis 14 sapagkat bigla na lang siyang pumasok sa kwento. Ganun pa man, hindi lang naman si Melkisedek ang hindi ipinakilala ang nanay at tatay, hindi lang naman siya ang napasama sa mga pahayag ng Biblia na hindi ipinabatid ang simula at wakas ng buhay kundi maging ang ibang mga hari din sa Genesis 14 ay hindi rin naman ipinabatid sa atin. Ganun pa man kung babasahin mong mabuti ang talata ang sabi rito ay “resembling the Son of God” tulad ng sinasabi sa Heb. 7:15 itinutulad lamang si Melkisedek kay Jesus at si Jesus kay Melkisedek dahil sa pagkakapareho nila ng uri ng pagkasaserdote. Hindi ito dapat literalin o unawaing taliwas sa diwa ng Genesis 14 dahil kung tutuusin ang Panginoon ay may salin-lahi (Mat. 1:1-17;Lk. 3:23-38), si Jesus ay may ina (Mat. 1:16, 18; 2:11; 13:55; Jn. 19:25; Acts 1:14). Meron siyang kinilalang Ama at amain (Mat. 11:25; 16:17; 20:23; Jn. 6:42), at siya ay namatay at muling nabuhay (Mk. 15:39, 44; Jn. 11:21; Rom. 5:15; 1 Thes. 4:14; Heb. 9:15). So kung literal din ang paguusapan, magkaiba pa rin sila dahil kung ano man ang wala kay Melkisedek meron naman ang ating Panginoon.
Recent Comments