Kumakalat sa sirkulasyon ngayon itong New Testament Pinoy Version (NTPV) , isang makabagong salin mula sa Philippine Bible Society (PBS). Matagpuan ang sampol nito sa kanilang website, http://www.bible.org.ph/bible-resources/ kung saan maaring mai-download Ang Sulat ni Paul sa mga Galatians.
Ang pakilala sa atin mula sa Panimula ng NTPV na ito ay isang heterogenous language na gumagamit ng pinaghalong Tagalog-Ingles o Taglish, ipinagmamalaki ng saling ito ang mga sumusunod:
Madali itong maintindihan,
Ang pagiging tapat sa nilalaman ng orihinal na pinagmulang wika (original text) o sa UBS Greek New Testament 5th Edition,
Ang kawalan ng pagkiling sa anumang doktrinang pang-denominasyon,
Sinigurado nilang hindi mawawala ang mataas na paggalang sa Salita ng Diyos, at
Ito ay isang magaling na version ayon sa panuntunan ng United Bible Societies (UBS).
Makatotohanan nga ba ang mga inaangkin nilang ito tungkol sa kanilang ginawang pagsasalin?
Oo, masasabi nating madaling maintindihan ang Taglish dahil bukambibig ito ng karamihan, sa lansangan, sa opisina, sa mga paaralan, kahit saan ito ang pananalitang ginagamit ng mga Pinoy ngunit hindi natin ito masasabing isang heterogenous language na pormal dahil ang mga katagang ginamit dito tulad ng mga sumusunod:
“Sobrang nashock ako sa inyo” (Gal. 1:6)
“Imagine, kahit ganun ako, ang bait pa din ng Diyos!” (Gal. 1:15)
“Si Christ ang promotor ng kasalanan? Hindi kaya!!!” (Gal. 2:17)
Ibig sabihin ba nun magkasalungat ang Jewish Law at ang Pangako ng Diyos?” Hindi kaya!!! (Gal. 3:21)
“Nagwoworry tuloy ako” (Gal. 4:11)
“Sobrang nahihirapan ako dahil sa inyo” (Gal. 4:19)
“Sobrang okay na ang pagtakbo nyo” (Gal. 5:7)
Mas maituturing pa natin itong lingo sa halip na basta heterogenous language na ginagamit sa pormal na pagsulat kung saan ginagamitan lang ng Ingles ay yung mga salitang walang katumbas sa katutubong wika. Halimbawa, sa pagkakasalin nito sa Mateo 27:27, “Hinubaran nila si Jesus at sinuotan ng pulang robe” meron namang “balabal” bakit kailangangang maging “robe”? O kaya meron namang patpat bakit kailangang “stick” pwede namang ininsulto bakit kailangang “pinagtripan”?
Anong patakaran sa gramar bakit hindi sinabing “Dinala ng mga sundalo si Jesus sa palace” sa halip na palasyo?
Kaya masasabi nating ang gumagamit nito ay partikular sa mga kung tawagin ay mga “conio” o konyo. Pero mahina bang umunawa ang mga konyo? Kung ang Biblia ay purong Tagalog malamang mahirapan pa sila, pero marami namang Bibliang Ingles. Hindi ba minamaliit ng PBS ang mga Filipino sa ginawa nilang ito gayong kaya naman ng mga konyo na magbasa sa wikang Ingles? Di kaya pinagtripan lang nila ang saling ito at nang matapos naghagikhikan pa sila sa produkto ng kanilang mga kamay?
Sabihin na nating naisalin nila ito sa paraang madaling maintindihan ng mga kasalukuyang mambabasa, pero ang tanong: ang mga Apostol ba, kung sila ay nabuhay sa panahon natin, gagamit ng paraan ng pagsulat ng mga konyo? Ang mga propesor, ang mga matatanda, ang mga propesyonal, kung sila ba ay susulat ng isang pangaral o ng mga seryosong sulatin para sa kanilang mga tinuturuan gagamit ba sila ng salitang konyo? Sasabihin ba nilang: “Sobrang nashock ako sa inyo” (Gal. 1:6); “Sobrang nahihirapan ako dahil sa inyo” (Gal. 4:19); “Sobrang okay na ang pagtakbo nyo” (Gal. 5:7)? Hindi naman di ba?
Sa madaling salita, hindi totoo ang sinasabi ng PBS na naging tapat sila sa pagsalin mula sa pinagmulang wika. Nawala ang diwa o konteksto nung katandaan, dignidad, at kaseryosohan nung sumusulat sa orihinal na wika lalong-lalo na ang sabi ng saling ito sa Gal. 6:11, “Ako mismo ang sumulat nito sa inyo,” si Apostol Pablo mismo ang sumusulat nito sa orihinal na wika, at hindi lang ito basta ordinaryong liham o literatura kundi naglalaman ng kapahayagan ng Diyos sa kaniya. Hindi naman millennial teenager ang mga sumulat ng mga aklat sa Biblia di ba? At inamin din naman nila ito sa kanilang Panimula kung saan sinabi nila,
“Sino ang gumagamit ng ganitong wika na tinatawag na Pinoy? Mga kabataan ang mas maririnig na gumagamit nito. Pero kahit hindi ito masyadong ginagamit ng mga may edad na, naiintindihan pa rin to ng halos lahat ng nagta-Tagalog.”
Isa pang halimbawa sa Gal. 2:9 kung saan ang salin nila ay, “Kinamayan pa nga nila kami ni Barnabas bilang sign na partners nila kami sa ministry” naging handshake deal ang kinalabasan pero kung tutuusin may mas malalim na pakahulugan iyon tulad ng ginamit sa King James Version (KJV), “gave me the right hand of fellowship” o ng Ang Salita ng Dios (ASND), ” iniabot nila ang kanilang kanang kamay ng pakikisama,” na hindi lamang pawang ordinaryong pagkakamay at pagiging-partner sa ministry.
Kung hindi nila ito naisalin ng tama o akma sa orihinal na wika at diwa nito, paano natin maituturing na hindi nila naiwala ang mataas na paggalang sa Salita ng Diyos? Ang isa pang nakakadismaya sa saling ito ay mababasa natin sa Gal. 3:1-2. Sariwa pa nga sa isipan ng marami ang insidenteng minura ng isang bastos na si Attorney Larry Gadon ang mga raliyista sa Baguio noong April, 2018. Pero sa saling ito, mababasa natin ang mga katagang,
“Ang bobo nyo talaga mga Galatians!!!”
Hindi tayo tutol sa heterogenous language, kahit nga ang mga nilalaman ng blog na ito ay Taglish din, pero hindi nirespeto ng PBS ang otoridad, dignidad, at kaseryosohahan ng orihinal na sumulat. Hindi lang naman ito ordinaryong aklat, ang Biblia, bagamat isa rin itong literaturang sinulat ng tao, ito ay sagrado din naman.
Kung idadahilan nila na kahit ang mga naunang Biblia na isinalin mula sa Latin at Griego patungo sa sinaunang Ingles na noo’y katutubong wika sa Inglatera sa pamamagitan KJV, sabihin na nating marami ring komontra noon dahil nga sa isinalin sa ordinaryong wika nila pero ang mga nagsalin noon pinanatili ang otoridad, dignidad, at kasagraduhan nung orihinal na sumulat. Hindi sila gumamit ng mga kolokyal na pananalita, mga salitang kanto, o salitang pabalagbag sa salin nila, kaya ang kinalabasan mas nakatulong pa nga iyon sa pagyabong ng sarili nilang wika. Pero sa pagkakataong ito, sa halip na makatulong pa ang PBS, mas lalo pa nilang pinabubulok (devolve) ng sariling wika natin, kaya kung tayo ang tatanungin kung ito ba ay isang magaling na version ayon sa panuntunan ng United Bible Societies (UBS), hindi natin alam ang panuntunan ng UBS kung bakit nila pinahinutulutan ang saling ito, pero malayo ito sa mga maituturing na magaling na version ng Biblia.
Recent Comments