John 10:30 ang isa mga paboritong gamitin ng Oneness Pentecostals sa pagtatanggol sa hidwa nilang katuruan na si Jesus na nga ang tatay ng sarili Niya, Siya pa rin ang Espiritung sinugo mula sarili Niya. Sa madaling salita, ang basa nila sa talatang ito yan, “I am the Father” sa halip na,
“I and my Father are one”
Bilang isang Bible-based Christian paano ba natin maipapakita ang kanilang pagkakamali at paano natin maipapaliwanag ang tunay na pakahulugan ng talatang ito? Narito ang ilang mga kaparaanan:
A. Tanungin natin ang mga Judio.
Kung tatanungin natin ang mga Judio kung ano ang unawa nila sa John 10:30 ang isasagot nila sa atin ay nasa John 10:33 sapagkat yan mismo ang isinagot nila kay Jesus nang magtanong Siya sa kanila sa John 10:32 kung ano ang tunay na dahilan bakit sila dumampot ng mga bato sa John 10:30. Sabi nila si Jesus ay tao pero nagpapakilalang Siya ay Dios.
Dalawang kategorya ang ginamit ng mga Judio dito: ang pagiging tao at pagiging Dios. Dahil para sa kanila, si Jesus ay tao hindi siya maaring maging Dios. Sa madaling salita, ang kalikasan o pagka-Dios ang unawa ng mga Judio na inaangkin ni Jesus hindi ang pagpapakilalang Siya ang Ama.
B. Tanungin naman natin si Jesus.
Kung ipinapakilala talaga ni Jesus ang sarili bilang Ama dapat sana ang sinabi Niya sa una pa lang (John 10:30) ay, “Ako ang Ama.” Pero hindi eh. Maging sa ikalawang pagkakataong hindi pa rin Niya ipinakilala ang sarili bilang Ama. Sa halip, ang ginamit pa nga ni Jesus sa John 10:34 na mula sa Psalm 82:6-8, ay nagsasabing ang mga anak ng Dios ay tinawag na “mga Dios.” Taliwas iyan sa gustong palabasin ng mga Oneness Pentecostals dahil sa argumento ni Jesus aniya’y kung ang mga likas sa kalagayang tao na mamamatay lang (Psa. 82:7) ay tinatawag na “mga Dios” ng Dios mismo, mas lalo na Siya dahil Siya ang itinangi at isinugo ng Dios sa sanlibutan (John 10:35-36).
Makikita rin sa pananalita ni Jesus na mayroon Siyang sariling Ama. Dahil sabi niya sa John 10:37 “my Father” na ang ibig sabihin mayroon talaga Siyang Ama. Makikita pa nga natin sa John 10:38 na Kaniyang sinabing Siya ay nasa Ama at ang Ama ay nasa Kaniya. Kung Siya rin ang Ama, paano makakapanahan sa Kaniya ang Ama at Siya sa Ama?
Ibang “Jesus” ang ipinapangaral ng mga Oneness Pentecostals (2 Cor. 11:4). Katunayan, itinakwil pa nga nila ang tunay na Ama ni Jesus dahil para sa kanilang hidwang katuruan walang sariling Ama si Jesus dahil si Jesus din iyon.
Ayon sa mga eksperto sa wikang Griego ang salitang “one” (“heis” sa Griego sa John 10:30) ay walang kasarian (neuter). Hindi panlalaki (masculine) ang “heis” para ipantukoy sa kung “sino.” Ang neuter na “heis” ay pantukoy sa “ano.” Kaya kung isasalin ng literal sa Tagalog ang talatang yan: “Ako (sino #1) at ang Ama (sino #2) ay iisang ano.”
Ibig sabihin, kung “ano” ang puno, ganun din ang bunga. Kung “ano” ang Ama, gayon din ang bugtong Niyang Anak. Kung Dios sa kalagayan ang Ama, Dios din sa kalagayan ang Anak. Ngunit hindi nahahati ang pagka-Dios dahil nanahan sila sa isa’t-isa. At mas lalong hindi sila dalawang “ano” dahil kasasabi lang na silang dalawang “sino” ay iisang “ano.”
Basahin din ang Trinity:Tatlong Sino, Iisang Ano.
Recent Comments