Ang Unitarian, Oneness at Trinitarian ay pare-parehong Monotheistic sa pananampalataya. Ibig sabihin, sila ay naniniwalang iisa lamang ang Dios, gaya ng sabi sa Deut. 6:4.
Ganun pa man, ang tatlong ito ay magkaka-iba ng pagkaka-unawa at paliwanag sa relasyon at kalagayan ng Anak at Espiritu Santo sa Ama.
UNITARIANISM
Para sa UNITARIAN, ang Ama lamang ang Dios. Hindi nila kinikilala na ang Anak at ang Espiritu ay kapwa nagtataglay ng pagka-Dios. Tulad halimbawa ng “Iglesia Ni Cristo” na nananiniwalang ang Anak, bagamat tinatawag na Dios, ay hindi tunay na Dios kundi isang tao lamang. Para rin sa kanila, ang Banal na Espiritu ay pawang kapangyarihan lamang ng Dios. Sa madaling salita, Sila ay tatlong ano: Ang Ama ay Dios, ang Anak ay tao, at ang Espiritu ay kapangyarihan.
TRINITARIANISM
Para naman sa TRINITARIAN, ang iisang Dios ay nahahayag sa tatlong sino: ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo. Gaya ng sa UNITARIAN, hindi si Jesus ang Ama o ang Espiritu Santo. Hindi rin ang Ama ang Espiritu Santo. Ganun pa man, kung ang kalagayan o kalikasan nila ang pag-uusapan, kung ano ang kalagayan o kalikasan ng Ama ay gayon din ang Anak, at gayon din ang Espiritu Santo. Ang kalikasang ito ay hindi nahahati kundi buong-buong nanahan sa bawa’t-isa, Sa madaling salita, ang Dios sa Trinitarian ay: iisang ano ngunit tatlong sino.
Basahin din ito: Trinity: Iisang Ano, Tatlong Sino.
ONENESS MODALISM
Para naman sa ONENESS, “Jesus” ang pangalan ng Dios. Siya ay nahahayag bilang Ama, Anak at Espiritu Santo. Si Jesus ang Ama, Siya rin ang Anak, at Siya rin ang Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Dios sa Oneness ay iisang sino: Bilang Ama, sinugo ni Jesus ang sarili Niya ng dalawang beses: una, bilang Anak tapos bilang Espiritu Santo.
Basahin din ito: Naluklok sa Kanan ng Oneness Ventriloquist.
Bagamat ang tatlong pananampalatayang ito ay nagpapakilala na kapwa Biblical ang kanilang magkakaibang katuruan tungkol sa Dios, tanging ang Trinitarianism lamang ang tapat sa buong kapahayagan ng Banal na Kasulatan. Trinitarianism din pananampalataya ng mga historical na Kristiyano: mga Katoliko, Orthodox at mga Protestante.
Recent Comments