Ang Apologetics at ang Kahalagahan nito

Ano ba ang Apologetics?

Sa kunteksto ng Teolohiya, ang Apologetics ay ang paraan ng paglalatag ng mga argumento at paliwanag bilang depensa o patunay sa [isang] pinaninindigang doktrina. Ang terminong ito ay hango sa wikang Griego na apologia, na ang kahulugan ay “verbal defence / speech in defence / a reasoned statement or argument”

1621749_259320607583885_7526548442548937952_n

Mahalaga ba ang Apologetics?

Ang salitang apologia ay mahigit 19 na beses ginamit ng mga manunulat ng Bagong Tipan. Isa na diyan ang talata sa 1 Pedro 3:15 na ganito ang sinasabi: “Kundi inyong ariing banal si Cristo na Panginoon sa inyong mga puso: na lagi kayong handa ng pagsagot (apologia) sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, nguni’t sa kaamuan at takot” (TAB). Ito ay utos hindi lamang sa mga apostol, o sa mga pastor ng iglesia, kundi sa lahat ng mga mananampalatayang Cristiano. Ayon kay F.F. Bruce, mahigit 47% ng Bagong Tipan ay ukol sa pag-depensa sa pananampalataya. Hindi dapat isawalang-bahala ang Apologetics; ito’y mahalaga.

Dapat ba tayong maging masigasig sa pagtatanggol sa Katotohanan gaya ng mga sinaunang Cristiano?

Dapat! Sapagkat wika ng apostol, “Mga kapatid, kayo’y mangagkaisang tumulad sa akin… ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa akin. Sapagka’t marami ang mga… kaaway ng krus ni Cristo” (Filip. 3:17-18, Ibid.).

Saan natin makikita ang halimbawang pinakita ni Pablo?
Ang isang “halimbawa” na pinakita ni Pablo hinggil sa pagtatanggol ng Katotohanan ay makikita natin sa Gawa 17. Sa kabanatang ito’y makikita natin kung paano ipinagtanggol ng apostol ang ebanghelyo upang hikayatin at akayin ang kanyang mga tagapakinig sa pananampalataya kay Cristo.

Bakit kailangan nating sawatain at punahin ang mga aral ng mga kaibayo natin sa pananampalataya?

Sapagkat iyan ay ipinaguutos ng Diyos: “Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo. Sapagka’t darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita” (2 Tim. 4:2-3, Ibid., cf. 1 Ped. 3:15). “Mga minamahal, samantalang ako’y totoong nagsisikap ng pagsulat sa inyo tungkol sa kaligtasan nating lahat, ay napilitan akong sumulat sa inyo na inaaralan kayong makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal” (Jud. 3, Ibid.).

Nakakalungkot isipin na maraming Pinoy na Cristiano sa panahon ngayon ang may mababa at negatibong pagtingin sa Apologetics. Sa tuwing naririnig nila ang salitang “debate”, ang unang pumapasok sa kanilang isipan ay pakikipag-away, sigawan, murahan, etc. Ito ay sapagkat nakikita nila sa media ang lantarang bangayan ng mga relihiyon na umaabot na sa personalan, demandahan, at minsan ay patayan (!). Dahil diyan, nagkaroon ng masamang kahulugan ang Apologetics sa isipan ng mga tao.

Ang pakikipag-debate ay hindi likas na marumi o masama. Nagiging masama lamang ito kung ito’y humahantong na sa pagkakasala.
Bagamat ipinaguutos ng Kasulatan na tayo’y dapat “makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya”, binabalaan din naman tayo nito na huwag tayong makilahok sa mga “walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat ito?y hahantong lamang sa awayan” (2 Tim. 2:23, MBB). Hindi sinabing bawal ang pakikipagtalo per se, ngunit dapat nating iwasan ang mga walang kabuluhang pakikipagtalo. Dapat tayong maging masigasig sa pagtatanggol ng Katotohanan ng Diyos, “ngunit sa kaamuan at takot” (1 Ped. 3:15, TAB). Sabi nga ni Jesus, “Sinusugo ko kayong katulad ng mga tupa sa gitna ng mga lobo. Kaya nga, magpakatalino kayong katulad ng mga ahas at maging maamong katulad ng mga kalapati” (Mat. 10:16, SND). Kung tama ang pamamaraan at motibo sa pakikipag-argumento, ito’y kalugod-lugod sa Diyos.

Ang Pamamaraan – Sa kaamuan at takot. (1 Ped. 3:15)
Ang Motibo – Upang akayin sa Katotohanan ang tagapakinig.(Kaw. 11:30)

Mahalaga ang Apologetics, at ito’y obligasyon ng bawat mananampalataya (1 Ped. 3:15; Jud. 3). Ito ay isang napaka-halagang ministeryo na dapat bigyan ng kaukulang pansin sa iglesia, sa ikatitibay ng pananampalataya ng mga kapatiran, at sa ikasisiwalat ng katotohanan upang maakay ang mga naliligaw ng landas–na sa huli ay makapagbibigay ng luwalhati sa Diyos na ating Panginoon.

About the Author

Little

"A simple layman armed with Scripture is greater than the mightiest pope without it." - Martin Luther