Trinity: Tatlong Sino, iisang Ano

holy_trinity_symbol-276132420_std
Ang kainitan ng Trinitarian Controversy ay mula ika-2 hanggang ika-4 na Siglo. Sa Trinitarian Controversy pinagtalunan kung papaanong maipapaliwanag na mayroong iisang Dios gayong tinatawag na Dios ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo. Maraming nagsulputang paliwanag.

Pero noong una, tanggap lang ng simbahan ang pahayag na mayroong iisang Dios kahit tinatawag na Dios ang Ama, ang Anak at ang Espiritu. Kainitan pa ng persecution noon. Subalit unang umeksena ang mga tinatawag na Modalists sa pamamagitan ng paliwanag ni Sabellius na mayroong tatlong “modes of existence” ang Ama, Anak at Espiritu.Ang Ama rin daw ang Anak, ang Anak rin daw ang Espiritu Santo, ngunit iba-iba lang ang modes of existence nila.

Sa ngayon mas kilala na sa katawagang “Oneness Modalism” ang mga dating Sabellian na madalas panghawakan ay ang pahayag sa Isaiah 9:6 at John 10:30.

Tinutulan ng sinaunang iglesia ang Modalism kasi nga naman hindi naman maaring si Jesus din ang tatay ng sarili Niya.

May iba pang nagpaliwanag na ang Ama, Anak at Espiritu pag sama-samahin ay iisang Dios, tawag sa kanila ay mga Tritheists dahil sinasabi nilang tatlo talaga ang Dios. Ngunit meron ding nagsasabing dalawa lang talaga ang Dios dahil ang Espiritu Santo ay kapangyarihan lamang ng Dios.

Sa paliwanagang naganap, merong isang mangangaral mula sa Ehipto na nagngangalang Arius. Ipaliwanag niya na “minor god” lamang si Jesus, “subordinate” lamang sa Ama. Ngayon nauuso na naman ang ganitong katuruan sa pamamagitan ng mga Jehovah’s Witnesses, at mga Kaanib sa Ang Dating Daan na kapwa kasing-paniniwala sila ng Arianism noong uang panahon.

Ang Arianism ang pinakamaiinit na yugto noong panahon ng Trinitarian controversy. Hindi na rin kasi inuusig ang iglesia kaya nagkaroon na sila ng pagkakataong pag-isipan at pag-usapan ang mga teyolohikal na isyu.

Ngunit dahil naging mainit ang talakayan, minabuting maki-alam ng Emperador na si Constantine at nag-sponsor siya ng isang Conference o Council na dinaluhan ng mga lider ng simbahan para talakayin ang isyu at upang magkaroon ng nagkaka-isang katuruan o paliwanag tungkol sa isyung ating nabanggit. At doon nga sa Council ng Nice noong 325 AD unang na-articulate ang katuruan tungkol sa Trinity na ang tatlong Sino ay iisang Ano: iisang Dios na may tatlong persona.

Ngunit hindi kalaunan nangibabaw muli ang Arianismo. Dumating sa puntong si Athanasius na lang ang nagtatanggol sa articulation ng Council of Nicea dahil naging mas maraming napapaniwala ng Arianism. Nang mamatay si Arius muling ipinagtibay noong 381 AD ang pangaral ng Council of Nice at idineklarang heresy ang Arianism.

Ngunit hindi rito nagtapos ang controversy. Nahati ang East and West na mga iglesia dahil sa suliraning sa communication. Gamit na salita sa pagkaka-articulate nila sa Trinity sa East ay Griego (ousia at hypostasis) samantalang ang gamit sa West ay Latin (substantia at persona). Napagkamalang Modalism ang pinaniniwalaan ng Western churches samantalang napagkamalan naman ng West na Tritheism ang pinaniniwalaan ng Eastern churches dahil sa pagkakaibang kahulugan ng hypostasis at substantia sa kani-kanilang wika.  Ganun pa man, kapwa nila pinaniwalaan na ang Trinity ay base sa kasulatan:

Ang Ama ay Dios, ang Anak ay Dios, ang Banal na Espiritu ay Dios, ngunit hindi sila tatlong Dios. Hindi si Jesus ang Ama, hindi si Jesus ang Banal na Espiritu at hindi ang Ama ang Banal na Espritu, ngunit iisa lang ang Dios.

Kung paanong nangyari ito ay hindi na ipinaliwanag sa banal na kasulatan. Pinaniwalaan na ito ng mga mamayan ng Dios bago nagkaroon ng Trinitarian Controversy at ipinagtibay ng mga sinuanang Councils. Sa ngayon madalas nating mariring ang ipinapaliwanag tungkol sa Trinity na ang tatlong persona ay iisang Dios gaya ng nasa larawan ibinigay sa taas o kaya, “one substance, three substence.”  Talakayin naman natin ngayon ang paboritong verses ng mga Oneness Modalists.

Ang Isaiah 9:6 at Ang John 10:30

Bagamat sinasabi na tatawaging “walang-hanggang ama” ang ibibigay na anak sa Isaiah 9:6,

For to us a child is born, to us a son is given, and the government will be on his shoulders. And he will be called Wonderful Counselor,  Mighty God, Everlasting Father, Prince of Peace.

Hindi pinapakahulugan nito na ang Anak ay Siya ring ang Ama, dahil una nang sinabing Siya ay anak na ipinagkaloob (a son is given). Hindi naman maaring Siya rin ang tatay ng Kaniyang sarili dahil walang ganyang kapahayagan sa kahit sa anong bahagi ng kasulatan. Sinabi lang na Siya na ipinagkaloob na anak ay tatawaging walang-hanggang ama. Hindi ba maaring tawaging ama ang isa ring anak? Hindi ba nangyayari yan sa totoong buhay? Na ang isang anak tinatawag ding ama ngunit hindi nagpapakahulugang siya yung ama ng sarili niya?

Dumako naman tayo sa John 10:30 kung saan sinabing,

“I and the Father are one.”

Kahit pa ganyan ang sinabi ni Jesus, hindi naman Niya sinabing, “Ako ang Ama” o kaya, “Ako at ang Ama ay nagkaka-isa.” Batay sa reaksyon ng mga Judio sa John 10:31-33, kaya raw nila babatuhin si Jesus ay dahil ipinapakilala umano Niya ang sarili bilang isang Dios. Hindi naman maitatangging nagkakamali lamang ng unawa ang mga Judio sa akusasyon nila kay Jesus sapagkat ipinagtanggol ni Jesus kaniyang sinabi sa pamamagitan ng Psalm 82:6 doon sa John 10:34-36. Samakatuwid, ang kahulugan ng “Ako at ang Ama ay iisa” ay “Ako at ang Ama ay iisang Ano.” Kung ano ang Ama, ganun rin ang Anak, pero hindi Siya ang Ama.

Basahin din: Iisang Ano

Trinitarian Controversies:Narito buod ng magkakatungaling katuruan tungkol sa Ama, Anak at Espiritu Santo:

  1. Si Jesus ay Dios pero siya rin ang Ama, Anak at Espiritu Santo (Oneness Modalism).
  2. Mayroong tatlong mga dios; kapag-inadd mo sila, ang total ay God (Tritheism).
  3. Ang Ama lang ang Dios hindi ang Anak at ang Espiritu (Unitarianism).
  4. Ang Ama ang God Almighty, samantalang ang Anak ay mighty god lang (Arianism).
  5. Ang Ama ay God, ang Anak ay God, ang Holy Spirit ay God pero hindi sila tatlong Gods. Sila ay tatlong sino (persons), pero iisang ano (nature) – ito ang historical creedal Trinitarianism.
  6. Maraming gods pero ang Ama at Anak lang ang dapat sambahin (polytheism).

 

 

About the Author

Little

"A simple layman armed with Scripture is greater than the mightiest pope without it." - Martin Luther